18 June 2009

Kabanata V - Hakbang/Hibang


Ilang landas ang tatahakin bago marating
ang nag-iisang daanan patungo sa itinalagang buhay?
Sanga-sangang daan
Libu-libong paraan
Liku-likong landas
Walang binabagtas

Lunggang walang butas
Lusutang walang wakas
Pintuang pilit ibinukas
Isinara nang pahampas

Mga paang yapak
Munti at busilak
Sa bawat hakbang
Puro patlang

Sinuong ang unos
Hindi umuungos
Puwing at pagal
Pagtila ang dasal

Kumagat ang dilim
Hanap ay limlim
Tanglaw ng buwan
Handusay na katawan

Malalim na idlip
Buhay na panaginip
Sisidlan ang gunita
Paggising mawawala

Imulat yaring mata
iyapak mga munting paa
'wag mapagod, imbes
Kumapit tuwing Lunes

Tuloy ang paglakad
Isa ang hangad
Landas na minimithi
Hari nawa'y mawari

Lumayag ka
Malayang kaisipan
Alinlanga'y ipagpaliban
Mabuhay pa't lumaban!

Ilang ulit at hindi mabibilang ang bawat hakbang na nalikha.
Ipagpatuloy ang malayang paglalayag ng buhay.