02 January 2010

Kabanata VIIa - Ang Katotohanan

"...."

Mas madalas sa wala ang mga pangyayaring ito sa aking araw-araw na buhay.

Nakaupo sa tapat ng kompyuter, magbubukas ng blog, magsusulat ng kung anu-anong iniisip pa mula kaninang umaga sa pag-alis ng bahay, pagsakay sa tricycle, fx at mrt, sa pagpasok sa opisina, sa pagkain ng walang lasang tanghalian, hanggang sa pag-uwi uli ng bahay.

NGUNIT sa oras na ito, sa pagkakaupo kong ito, sa harap ng nakabuyangyang na espasyong puti, wala akong maisulat. Nawawala ang tema kong kanina ko pa iniisip na isulat.

Sa pagkalawak-lawak ng himpapawirin na aking nalipad, sa pagkalayu-layo ng islang aking nasagwan, ang kababagsakan ng tone-toneladang mga ideyang nagpupumiglas at nagsisiksikan at pilit kumakawala sa bumbunan ko ay hanggang sa inidoro lamang.


Iskrats II


Isang lingon sa isang garapon ng pangarap na tumapon.

Dalawang hakbang pabalik sa kulay pulang putik.

Tatlong baling sa mga kantang naduling.

Apat na pagpihit-paliko sa mundong baku-bako.

Limang kwerdas sa mga ngiting napigtas.

Anim na pitas sa dalawang dosena'ng rosas.