Maraming una't huli sa mga pagkakataong pinagtatagpo
Akala ko'y ito ang una, yun pala'y ito na ang huli
Akala ko'y ito na'ng huli, yun pala'y simula lamang muli
Maiksing panahong magkausap at magkasama
Isang iglapan lamang at ika'y lumisan
Walang paalam, mga tanong na hindi nasagot
Sa pagbabalik, mala-tambol na tibok ng puso
Humahangos sa pagkakabatid, nakakaadik
Sa gabi ng pag-iisip, sa bitui'y nananabik
Isang tinig ang hindi madinig
Tanging dibdib lamang ang nakakaintindi
Mga pulsong sumisibat, nanririndi
Panaginip na natupad ang pagbabalik
Isang imposibleng napilit ng dasal
Isang pagkakataong oras sana'y bumagal
Muling nabuhay ang humihingang patay
Umahon sa malalim na pagkakahukay
Tumindig at humiyaw, pusong umiibig
Akala ko'y ito na'ng huli, yun pala'y simula lamang muli
Akala ko'y ito ang una, yun pala'y ito na ang huli
Maraming una't huli sa mga pagkakataong pinagtatagpo
Isang pangakong ibinitaw, hindi malulusaw
Isasakatuparan ang nailathalang salita
Maghihintay ako sa iyo, kahit na sa wala.
Wala na'ng dapat pang sabihin sa pagkakataong ito
Huli na para sa mga katanungang ngayon lamang naisip
Ang mundo'y hindi napapagod, ako'y hindi maiinip.

Isang bulalakaw dumating
Isang huling hiling
Isang bituin na maningning.