28 January 2010

Kabanata VII - Lakwatsa


Heto na naman ako.

Nakaharap sa isang malawak at walang humpay na puting espasyo. Isang walang katapusang birtwal na papel sa loob ng kompyuter. At ang nakasaad? Wala. Blanko. Mga ideyang pilit kong iginigiit na maisulat sa pamamagitan ng aking utak.

Sa pagkahaba-haba ng biyahe ko mula Ortigas hanggang Novaliches, marami-rami na din akong naiisip at nais ipamahagi sa pamamagitan ng pagsusulat. Kung maaari nga lamang mailathala ang lahat ng naiisip ko kanina sa isang awtomatikong
paraan na hindi na nagdudutdot pa ng mga titik, malamang na makabuo ako ng ilang piyesa.

Buhay. Bansa. Pagkatao. Kasaysayan. Moralidad. Pag-ibig. Pamilya. Sarili. Kinabukasan. Kamatayan. Ilan lang ang mga yan sa naiisip ko sa araw-araw (gabi-gabi) na byahe ko pauwi. May katuturan man o wala, hindi maiiwasang mag-isip. At sa mga pagkakataong gayon, may mga katanungang hindi lahat ay masasagot. Kaya nais kong ipamahagi ang aking mga pananaw upang maliwanagan man ang nalalabuan.

Ang kaso lang, at bakit nga ba, sa tuwing uupo ako sa harap ng kompyuter ay nawawala ang sigasig ng pag-iisip kong kanina pa nag-eehersisy
o, kanina pa patakbo-takbo at pabalik-balik na nagtatanong at sumisigaw? Dahil ba sa musikang pinatutugtog ko? Isinara ko na yung speaker. Inaantok? May ka-chat? Kumakain? O baka naman wala lang dahilan para ilathala? Walang saysay isulat at ipamahagi? Tinatamad nga lang ba ako? Inaantok? O sadya lang talaga wala akong naiisip? Ano na nga ba ang ginagawa ko? Bakit nga ba ako nag-iisip? Hindi ba pwedeng tuwing uuwi ako ay panatag ang kaisipan ko sa mga nangyayari sa paligid?

Sa ngayon, hindi ko alam kung paano ko m
adudugtungan itong lathalang ito. Sa pagiging kulot ng mundo, sa bawat pagdagdag ng segundo sa orasan, marami pa akong naiisip at iniisip. Marami din akong pero at ngunit sa naunang pangungusap, hindi ko na lang siguro isusulat.

Basta ang alam ko lang, nagtagumpay ako sa pagkakataong ito. Kung nababasa mo ito ngayon, patunay lamang ito na kaya ko talagang isulat ang gusto kong isulat.

Ito ang aking iniisip kanina habang pauwi, ang maipahayag ang pagnanais magsulat sa maulap na pag-iisip.


®
01.28.10