27 December 2008

Kabanata I - Panimula, Panibugho, Panata

Simula na naman ng isang kabanata sa buhay na walang saysay.

Panibagong kabanata para sa mga bagay na gusto kong gawin na hindi nagawa. Ang mga lugar na nais marating, mga pasyalan na magbibigay kasiyahan para sa problemang nais munang bitawan panandali, mga gawaing matagal na'ng hindi nagawa na naging parte na ng buhay, mga pansariling hangarin na magpapahiwatig kung anong klaseng tao ka at kung ano ang kaya mong gawin, at mga paraang alam mo na magiging masaya ka ngunit hindi ka binigyan ng pagkakataon kahit na maghintay ka habambuhay.

Panibagong kabanata din para sa mga tao na darating at aalis muli sa buhay. Mga kaibigang bigla-bigla ay tatalikod sa iyo bilang kaaway, mga kaibigang matagal na'ng nawalan ng komunikasyon sa atin at biglang darating, mga taong nagpapahiwatig ng mga ninanais at saloobin na hindi mo din maintindihan o maunawaan, mga kasama sa buhay na pinagkakatiwalaan mo na walang anu-ano'y huhugot ng punyal at biglang itatarak sa dibdib mo, at mga kaibigang ninanais mong hagkan, ninanais mong pagpakitaan ng sarili mong nararamdaman at tapat na hangarin ngunit hindi ka naman papansinin.

May mga bagay na hindi natin naiintindihan, hindi maunawaan, at hindi natin mabatid kung anong kahihinatnan. Ni hindi rin natin alam kung saan, ano, kailan, animo'y bulag sa kung ano ang mararating sa paglalakad at pagtakbo ng paang yapak, kasabay ng pag-ikot ng mundo. Maski ang sariling buhay ay hindi naiintindihan.

Marahil, isa ka sa mga taong naihahalintulad sa akin. Isang tao na hindi makitaan ng direksyon sa buhay. Isang tao na puno ng pag-asa, isang tao na may malawak na kamalayan, isang tao na madalas mag-isip at magtanong tungkol sa mga nangyayari sa paligid.

At dito mag-uumpisa ang katapusan ng lahat ng sinimulan.

No comments:

Post a Comment